Matagumpay na naisagawa kagabi ang A Song of Praise Year 7 Grand Finals. Itinanghal na Song of the Year sa ASOP Year 7 grand finals ang awiting “Tugtog” na likha ni John Paul Salazar.
Napuno ng himig pagpupuri sa Dios ang New Frontier Theater kagabi sa A Song of Praise Music Festival Year 7 Grand Finals. Labingdalawang bagong awit ng pagluwalhati at mga tagos sa pusong kuwento ng inspirasyon ang ibinahagi ng mga kalahok na songwriter.
Sa gabing ito ay muling pinatunayan na maaaring awitin ang kapurihan ng Panginoon sa iba’t-ibang tunog at genre ng musika.
Nakuha ng awiting “Banal Mong Salita” ni LJ Manzano ang People’s Choice Award. Itinanghal naman na 3rd runner-up ang awiting “’Di Na ‘Ko Aawit” ni Rommel Gojo. 2nd runner up naman ang “God Is With Us” na komposisyon ni Emmanuel Lipio, Jr.
Samantala, nagtapos sa 1st runner up ang “Isang Milyong Pasasalamat” ni Edward Salde.
Wagi bilang Song of the Year ang komposisyon ni John Paul Salazar na “Tugtog” na tumanggap naman ng kalahating milyong piso.
Ayon naman kay UNTV-BMPI President Kuya Daniel Razon, mas malaking papremyo ang mapapanalunan ng grand winner sa susunod na mga taon.
Mula 500,000 pesos ay walong daang libo ang maiuuwi ng magwawaging Song of the Year sa susunod na taon at madaragdagan pa ito ng isang daang libo kada taon.
Ito ay para pa rin sa layuning mahikayat ang mas marami pang songwriter na lumikha ng awit papuri sa Panginoon.
Isang biblical message naman ang ibinahagi ng ASOP originator at primary supporter na si Brother Eli Soriano tungkol sa tungkuling handugan ng awit papuri at pasasalamat ang Panginoon.
Samantala, maging si Brother Eli ay may personal pick sa mga song entry. Napili niya ang “Hiling” na likha ng blind composer na si Jeffrey Lim.
Si Jeffrey ay tumanggap ng karagdagang dalawangdaang libong piso para dito.
Mula nang pasimulan ang ASOP noong 2011, daan-daang awit na ang nalikha ng amateur at professional composers para purihin ang Panginoon.
( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )
Tags: ASOP Year 7, Song of the Year, Tugtog