Mahigit 25,000 Pulis, ipinakalat sa buong bansa para sa ligtas na Summer Vacation at Eleksyon

by Erika Endraca | April 12, 2019 (Friday) | 10494

Manila, Philippines – Ipinakalat ng Philippine National Police o PNP ang 25,723 na pulis sa 4,548 Police Assistance Desks sa buong bansa para sa ligtas na bakasyon, long holiday at eleksyon.

“Lahat ng ating police assistance desk and centers ay naroon sa mga bus terminals, airports, seaports at maging sa mga major highways natin, meron pong mga travel assistance points along the highway, lalong lalo na yung papunta ng north, south at sa bicol, visayas and the entire mindanao” ani Pnp Spokesperson P. Col. Bernard Banac.

Dagdag pa ni Banac, namimigay sila ng mga polyeto para sa mga kaligtasan ng mga magbabakasyon. Nakalagay doon ang mga pa-alala at safety tips gaya ng pag-iwas sa pagpo-post ng “at the moment“ sa social media.

Aniya, nagpapahiwatig lamang iyon na walang tao sa inyong bahay na posibleng samantalahin ng mga magnanakaw.S

“Hanggat maaari ay idelay muna ang update ng mga post sa social media ng sa gayon ay di tayo makapagbigay ng real time information sa mga nagbabalak ng hindi maganda o looban ang ating pamamahay at don na rin sa ating personal security halimbawa yung mga taong may mga threat sa kanilang buhay” ani Pnp Spokesperson P. Col. Bernard Banac.

Paalala ng pulisya na kung aalis naman ng tahanan, ilock na mabuti ang mga pinto at bintana kung walang maiiwan.

Tiyaking walang naka-plug na mga appliances upang makaiwas sa sunog. At ibilin sa kapitbahay ang inyong tahanan at ang petsa ng inyong balik.

Sa mga magtutungo naman sa beach, iwasan ang pagsusuot ng mga mamahaling alahas at pagdadala ng mga gadgets at malaking halaga ng pera.

Tiyakin ding may suot na ID o pagkakakilanlan ang mga bata at huwag hayaang maligong mag isa sa beach at swimming pool. At importanteng alamin ang first aid station at pnp assistance desk sa lugar.

Para naman aniya sa mga sasakay ng eroplano, bus at barko, paalala ni banac, na dumating ng mas maaga sa oras ng biyahe, ingatan ang ticket, pasaporte at bagahe, iwasang magsuot ng mga alahas, travel light kung ma-aari at maging alerto laban sa mga snatcher.

Dagdag pa niya na, mananatili sa hightened alert status ang pnp hanggang matapos ang election period sa June 12.

“Nagkaroon na tayo ng adjustments sa ating deployment sa bahagi ng mindanao may mga karagdagang deployment doon na pinapatupad ng ating police regional offices” ani Pnp Spokesperson P. Col. Bernard Banac.

Samantala, magdadagdag rin ng pitondaang tellers at patrol officers ang management ng North Luzon Expressway o NLEX at Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX ngayong long holiday.

Magbibigay din ng libreng towing service para sa class 1 vehicles mula  April 17 – 22 . Maaari namang mapanood ang real time traffic situation sa nlex at sctex via live streaming sa kanilang facebook page.

(Lea Ylagan | Untv News)

Tags: , ,