Mabagal na pagpapalabas ng water interruption schedule, inirereklamo ng mga customer ng Manila Water at Maynilad

by Erika Endraca | June 20, 2019 (Thursday) | 3687

MANILA, Philippines – Inulan ng batikos sa mga customer ang Manila Water at Maynilad dahil sa biglaang pagkawala ng suplay ng tubig simula pa nitong Martes.

Inirereklamo nila ang anila’y mabagal na pagpapalabas ng abiso sa mga lugar na apektado ng water service interruption.

Pasado alas-8 nitong Martes nang ipost ng manila water sa kanilang social media account ang listahan ng mga lugar at ang oras na mawawalan ng tubig.

Subalit sa ilang lugar sa Quezon City, ayon sa ilang residente alas singko pa lamang ng hapon nitong Martes ay wala nang tulo sa kanilang mga gripo.

Ang maynilad naman kahapon ng alas-10 na ng umaga naglabas ng water service interruption schedule sa kanilang facebook account.

At nakasaad doon na mawawalan ng suplay ng tubig ang ilang lugar ng alas-11 ng umaga.

Sa comment section, sari-saring reklamo ang ipina-abot ng mga customer dahil kulang na anila ang panahon upang makapag-ipon pa sila ng tubig. Paliwanag ng mga water concessionaire, sinisikap nilang mai-ayos ang schedule.

Subalit umapela rin sila sa publiko na unawain ang sitwasyon, lalo’t maraming mga bagay ang kanilang ikinokonsidera upang mapagkasya ang limitadong reserba ng tubig mula sa Angat dam.

“short noticed din naman yung nangyari after the technical working group meeting kahapon and after the press briefing that was the only time na sinabi na there’s going to be a reduction..there was very little time for us to really list all the barangay and come up with a schedule” ani  Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla Jr.

“As it was announced the implementation was already being done that let us a little bit of time lang to analyze kung ano yung magiging impact sa aming distribution system” ani Maynilad Corporate Communications Head Jeniffer Ruf.

Ipinaliwanag rin ng mga ito sa mga customer na hindi maiiwasan na kung minsan ay maantala ang pagdating ng tubig sa schedule na kanilang ibinibigay.

Ito’y dahil mas mahina na ang pressure ng tubig sa ngayon  bunsod ng  limitadong suplay mula sa angat.

Umaapela ang maynilad at manila water sa mga customer na magtiis muna at piliting makapag-ipon ng sapat lamang na tubig sa mga oras na mayroong dumarating na suplay.

Samantala plano naman ng metropolitan water works and sewerage system na imbestigahan ang mga reklamo hinggil sa hindi nasusunod na water service interruption schedule ng maynilad at manila water.

(Joan Nano |Untv News)

Tags: , ,