Konstruksyon ng ilang infrastructure projects sa Metro Manila, pinamamadali na ng DPWH

by Radyo La Verdad | August 29, 2018 (Wednesday) | 4191

Ilang araw na lamang ay papasok na ang ber months o ang holiday season. Sa mga ganitong panahon, pangkaraniwan nang inaasahan ang lalo pang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila dahil sa pagdagsa ng mga namamasyal at ng mga namimili sa mga mall.

Kaya’t minamadali na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagtapos sa ilang malalaking infrastructure projects upang maibsan ang problema sa traffic.

Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, sa ngayon ay 24/7 na ang ginagawa nilang kontruksyon ng NLEX Segment 10 Project at Laguna Lake Highway na inasahang mabubuksan sa mga motorista bago matapos ang taon.

Plano rin ng DPWH na buksan sa mga motorista ang Otis bridge bago pa matapos ang taon. Kanina ay personal na binisita ng kalihim ang construction site ng bagong tulay.

Base sa orihinal na plano ng DPWH, sa Marso 2019 pa target na matapos ang konstruksyon ng Otis bridge, pero nais ni Sec. Villar na mabuksan ito sa mga motorista bago matapos ang 2018 upang maibsan ang inaasahang lalo pang pagbigat ng traffic sa holiday season. Sa ngayon, 40 porsyento pa lamang ng proyekto ang natatapos.

Bagaman ipinamamadali na, tiniyak naman ng DPWH na hindi nito makokompromiso ang kalidad ng tulay para sa kaligtasan ng mga motorista.

Ayon sa DPWH, tatlumpu’t anim na mga tulay pa sa Metro Manila ang target nilang maisayos sa mga susunod na taon, kabilang na dito ang Lambingan bridge, Sevilla bridge at Guadalupe bridge.

Ngunit ipinaliwanag ng ahensya na dapat na maiayos nilang mabuti ang iskedyul nito upang hindi lubhang makaapekto sa traffic.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,