P87. 4-M pondo, inilaan para sa rehabilitasyon ng San Juanico Bridge

by Radyo La Verdad | August 1, 2022 (Monday) | 23627

Naglaan ng P87.4-M pondo ang national government upang maisagawa ang second phase ng malawakang pagsasaayos ng San Juanico Bridge na nag-uugnay sa mga isla ng Leyte at Samar.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Eastern Visayas Regional Director Allan Borromeo, talagang kinakailangan ang proyektong pagsasaayos at pagkukumpuni ng tulay dahil mula nang itayo ito 50 taon na ang nakararaan ay wala pang naisasagawang rehabilitasyon para rito; ang paglala ng daloy trapiko taon-taon ay nakapagdaragdag ng problema sa istruktura ng tulay.

Nakalaan ang itinalagang budget para sa structural steel at pagpipintura sa 508.38 kilometro kwadradong bahagi ng tulay at paghihigpit sa mahigit 35 toneladang high-tension bolts.

Ang unang bahagi ng proyekto ay isinagawa noong nakaraang taon na may kaukulang budget na P96.25M na inilaan din sa structural steel, pagpipintura, pagpapahigpit at pagpapalit ng bolts at general scaffolding.

Inaasahang makukumpleto bago matapos ang taon ang ikalawang bahaging ito ng proyekto na sinimulan na noong Marso.

Samantala, ininspekyon ng mga engineer ng DPWH Bureau of Design at Bureau of Research and Standard ang tulay noong July 18 – 22 sa pamamagitan ng pagsusuri sa kundisyon nito. Sa ngayon ay hindi pa nailalabas ng DPWH ang findings ng naturang pagsusuri.

(Renajane Coyme | La Verdad Correspondent)

Tags: ,