Coronavirus galing Wuhan China, posibleng kumalat sa buong mundo – WHO

by Erika Endraca | January 21, 2020 (Tuesday) | 9746

METRO MANILA – Inalerto na ng World Health Organization (WHO) ang mga ospital sa buong mundo sa posibleng pagkalat ng Coronavirus na nagmula sa Wuhan China.

Babala ng WHO, doblehin ang pagbabantay sa mga International Ports upang mapigilan ang pagkalat nito.

Sa ngayon ay patuloy na dumarami ang kaso ng Coronavirus infection hindi lang sa China, kundi may mga kumpirmadong kaso na rin nito sa South Korea, Thailand at Japan.

Sa Kalibo Aklan, naka alerto ang Provincial Health Office dahil sa 3 chinese na na-quarantine matapos lumapag sa Kalibo International Airport

Nakitaan ang mga ito ng sintomas ng Coronavirus at dinala na sa Dr Rafael Tumbukan Memorial Hospital upang mabigyan ng atensyong medikal.

Galing ang mga ito sa magkakahiwalay na probinsya sa China na dumating sa Kalibo Airport nitong Biyernes, Sabado at Kahapon (Jan. 20).

Inaasahan din ng mga otoridad na marami pang chinese ang pupunta sa iba’t ibang bansa ngayong Enero para sa pagdiriwang ng kanilang Lunar New Year.

“Tayo naman may sytem ready na tayo noh. In fact since noong panahon ng sars naalala ninyo, mayroon na tayong alert response system.” ani DOH Spokesman, Usec Rolando Enrique Domingo

Paalala ng WHO upang wag makaiwas sa sakit na ito, tiyakin na protektado kapag nakikihalubilo sa mga taong may sakit maging sa mga hayop o wild animals

Iwasang dumura sa pampublikong mga lugar, iwasang hawakan ang mata , ilong at bibig . Iwasang makihalubilo sa mga taong may flu-like symptoms.

Laging maghugas ng kamay ng may sabon at running water
lalo na kung madumi na talaga ang kamay , ugaliin ding mag- alcohol

Takpan ng panyo o tissue o ng siko ang bibig at ilong kapag inuubo o bumabahing. Lutuing maigi ang karne at itlog na kakainin

Dagdag pa ng WHO, laging maghugas ng kamay: kapag nag-alaga ng may sakit  bago, habang at pagkatapos maghanda ng pagkain, bago kumain, pagkatapos gumamit ng palikuran at kapag humawak ng alagang hayop o animal waste.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,