20 Barangay, hindi sisingilin ng Manila Water ng konsumo sa tubig ngayong Abril

by Radyo La Verdad | April 5, 2019 (Friday) | 4620

METRO MANILA, Philippines – Tinukoy na ng Manila Water ang 20  Barangay na lubhang naapektuhan ng krisis sa tubig nitong nakaraang buwan.

Ang residente sa mga lugar na ito ay hindi pagbabayarin ng Manila Water sa kanilang konsumo sa tubig noong nakaraang buwan.

Ang mga Barangay na kasama sa one time bill waiver ng Manila Water ay mula sa Mandaluyong City, Pasig, San Juan, Taguig at Binangonan Rizal.

Kaugay nito, nagrereklamo naman ang ilang mga residente ng Muzon, Taytay,  Rizal dahil hindi sila nakasama sa listahan gayong labis rin ang perwisyo sa kanila ng nangyaring krisis sa tubig.

Nilinaw naman ng tagapagsalita ng Manila Water na si Jeric Sevilla na 45 Barangay ang naitalang nakaranas ng matinding epekto ng water shortage pero patuloy pa ang validation sa dalawampu’t limang lugar. Pero hindi lahat aniya ng residente sa mga naturang barangay ay wala ng babayarang bill sa tubig.

“Meron kasing mga barangay na portions lang nung barangay ang talagang nawalan ng tubig ng ganun kahaba 7 days or more. We are very cautious in terms of really identifying kung sinu-sino yung mga affected na yun meron tayong sariling record alam natin kung yung mga area na talagang walang tubig but we needed to validate this sa field,” ani Jeric Sevilla ang Spokesperson ng Manila Water

Ayon sa Manila Water, sa ngayon ay 98 percent na ng kanilang mga customer ang may suplay ng tubig sa loob ng walo hanggang labing dalawang oras.

Nararanasan pa rin anila ang mahinang pressure kung kaya’t hirap pa rin na makaabot ang tubig sa matataas na lugar.

Target ng Manila Water na maibalik ang normal na suplay ng tubig sa katapusan ng Mayo.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,