Pamamaril sa isang lalaki sa Tondo Manila, nakunan ng CCTV camera

by Radyo La Verdad | February 2, 2016 (Tuesday) | 2486

BENEDICT_PAMAMARIL
Ideneklarang dead on arrival sa Mary Johnston Hospital sa Moriones Tondo ang 40 anyos na si Elwil Manalang matapos siyang pagbabarilin kagabi.

Sa kuha ng Closed Circuit Television Camera ng Barangay 43, mag-aalas onse kagabi makikita si Manalang na nakasandal sa likuran ng isang nakaparadang jeep sa Moriones Steeet habang nakikipagkwentuhan sa ilang lalaki.

Ilang sandali ang nakalipas isang lalaki ang lumapit sa biktima tinutukan ng baril at pinaputukan, nakatakbo pa si manalang pero sinundan ng putok ng suspek.

Sa isa pang anggulo ng CCTV sa Sto.Nino Street makikitang nagtakbuhan ang mga tao ng marinig ang mga putok ng baril.

Pagkatapos ng pamamaril, isang nakamotorsiklo na nakaparada sa kalsada ang sinakyan ng suspek at saka tumakas.

Ayon sa kapatid ng biktima, wala silang alam na dahilan para patayin ang kanilang kapatid, bagaman dati na umanong nakulong si Manalang sa kasong snatching pero ilang taon na ang nakalipas at nagbagong buhay na umano ang kanilang panganay na kapatid.

Nagtamo ng sampung tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Bagaman hindi taga roon ang suspek madalas din umanong nakikita ng mga opisyal ng barangay sa lugar bago ang pamamaril.

Hawak na ng Manila Police District Homicide Section ang kaso at iniimbestigahan na kung ano ang motibo at kung sino ang responsable sa pamamaslang.

(Benedict Galazan / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,