Mag-live in partner sa Marikina, patay sa pamamaril ng mga armadong suspek

by Radyo La Verdad | October 5, 2017 (Thursday) | 8250

Bangkay na nang ilabas sa kanilang bahay ang mag-live in partner sa Bonanza Phase 2 Brgy Fortune, Marikina City kagabi.

Kwento ng kaanak, mag-aalas nueve kagabi nang pasukin umano ng mga suspek at pagbabarilin sina Dante Aton, 31 anyos at ang kinakasama nitong si Maria Cherry Manzan, 31 anyos.

Hindi aniya bababa sa sampung motorsiklo na may mga sakay na nakabonet at nakahelmet na lalaki ang namataan sa lugar.

Patay ang mga biktima matapos tamaan ng bala sa ulo’t katawan ayon sa EPD SOCO.

Sa lakas ng kalibre ng baril na ginamit sa krimen, tumagos pa ang bala nito sa pader ng bahay.

Hustisya naman ang panawagan ng mga naiwang kaanak sa sinapit ng mga biktima.

Ilang taon na umanong huminto si Dante sa paggamit ng droga kaya palaisipan sa kanila ang motibo ng pamamaslang. Subalit higit sa ikinagagalit ng mga ito ay ang pagkakadamay ni Cherry na tatlong buwan palang buntis.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,