METRO MANILA – Tinawag na communist inspired ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang isinasagawang tigil-pasada ng ilang transport groups.
Ayon sa Bise Presidente isang dagok sa pagsusulong ng maayos na edukasyon ang transport strike na pinangungunahan ng grupong Manibela at Piston.
Ito rin ang tugon ni VP sara sa grupong Alliance of Concerned Teachers, matapos nitong magpahayag ng suporta sa isinasagawang protesta kontra PUV modernization program.
Iginiit ng DepEd secretary na pangunahing agenda ng kasalukuyang administrasyon ang learning recovery sa mga mag-aaral, kaya’t wala aniyang katuturan ang gagawing isang linggong tigil pasada na sinusuportahan ng Alliance of Concerned Teachers.
Tinuligsa naman ACT-Teachers Partylist Representative France Castro ang aniya’y pangre-redtag sa kanila ng bise presidente, at iginiit na hindi ang kanilang grupo ang lalahok sa tigil-pasada kundi ang mga transport group.
Tags: transport groups, VP SARA DUTERTE