Villar, Poe at Cayetano, nanguna sa pinakahuling Senatorial Survey ng SWS

by Radyo La Verdad | October 12, 2018 (Friday) | 35545

Bagaman hindi pa pormal na naghahain ng kaniyang kandidatura, nanguna sa pinakabagong senatorial survey ng Social Weather Stations (SWS) si Senator Cynthia Villar.

Batay sa resulta ng survey na inisponsor ni Secretary Francis Tolentino, nasa number 1 rank si Villar, habang kapwa nasa rank 2 to 3 naman sina Senator Grace Poe, at Taguig Representative Pia Cayetano.

Sa isang bukod na senatorial survey naman na isinagawa ng Pulse Asia noong ika-1 hanggang ika-7 ng Setyembre, pasok din sa top 5 sina Villar, Poe at Cayetano kasama si Senator Nancy Binay at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Sa survey ng SWS, tabla naman sa 4th to 5th spot si dating Senate President Koko Pimentel at dating Senador Lito Lapid. Nasa pang anim at pang pitong pwesto naman sina dating Senador Jinggoy Estrada at dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.

Pasok din sa tinaguriang magic twelve sina Senator Nancy Binay, Sonny Angara, Bureau of Corrections Director Ronald Dela Rosa, dating Senador Serge Osmeña at Ilocos Norte Governor Imee Marcos.

Nasa 13th to 15th place naman sina Liberal Party Senator Bam Aquino, Senator Jv Ejercito at Presidential Political Adviser Francis Tolentino.

Nasa pang labing anim na pwesto naman si Special Assistant to the President Bong Go at pang labing walo naman si Presidential Spokesman Secretary Harry Roque. Subalit hanggang sa ngayon ay wala paring pinal na desisyon si Roque kung itutuloy ang planong pagtakbong senador.

Isinagawa ng SWS ang survey noong ika-15 hanggang ika-23 ng Setyembre sa isang libo at limang daang tao sa buong bansa. Tinanong ang mga ito na kung ngayon isasagawa ang halalan, sino ang iboboto ninyong senador.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,