Umano’y nakaw na yaman ni Benhur Luy, walang epekto sa kanyang kredibilidad bilang testigo sa PDAF scam – Sec. Leila de Lima

by Radyo La Verdad | May 12, 2015 (Tuesday) | 1628

DE LIMA
Walang epekto sa kredibilidad ni Benhur Luy ang ibinunyag ni Senador Jinggoy Estrada na umano’y nakaw na yaman ng pangunahing whistleblower sa PDAF scam.

Ito ang tugon ni Sec. Leila de Lima matapos ibunyag ni Estrada ang umano’y mahigit 150-million pesos na pera ni Luy sa iba’t ibang bangko.

Ayon sa kalihim, hindi naman itinatanggi nina Benhur ang kanilang partisipasyon sa anomalya dahil ito nga mismo pinagkakatiwalaan ni Janet Lim Napoles na gumawa ng record ng kanilang mga transaksyon sa mga mambabatas.

Ayon pa sa kalihim, kung paanong wala itong epekto sa kredibilidad ni Benhur Luy, wala rin itong epekto sa pananagutan naman ng mga akusado.

Hindi pangungunahan ng DOJ si Benhur Luy kung dapat ba nitong isauli sa gobyerno ang umano’y perang nabahagi niya sa anomalya.

Dahil si Benhur lamang ang nakakaalam kung sa kanya ba talaga ang mahigit 150-million pesos na perang nakadeposito sa pangalan niya.

Sa huli ayon sa kalihim, ang higit na mahalaga ay mapanagot ang utak at ang malalaking tao na nasa likod ng anomalya. (Roderic Mendozoza / UNTV News )

Tags: , ,