Pinayuhan ng Armed Forces of the Philippines ang mga residente sa Mindanao na agad na makipag-ugnayan sa mga otoridad sakaling may makikita silang kahina-hinalang mga tao sa kanilang lugar. Bunsod ito ng napabalitang regrouping ng ISIS inspired Maute terrorist group.
Ayon kay Joint Taskforce Ranao Spokesperson Col. Romeo Brawner Jr., tinatayang nasa isangdaan na ang mga bagong recruit na mga Maute sa lalawigan ng Lanao del Sur.
Nitong nakaraang linggo lang, nagkaroon ng sagupaan ang tropa ng pamahalaan sa iba’t-ibang lugar na ikinadakip ng tatlong mga kasamahan nito.
Noong Myerkules, sa kanyang pagbisita sa Marawi City, ipinaalala ni Pangulong Duterte sa mga residente na huwag nang payagang makapasok muli ang mga terorista dahil sa idudulot ng mga itong matinding kaguluhan.
Sa ngayon ay umiiral pa rin ang martial law sa buong Mindanao region matapos aprubahan ng kongreso noong Disyembre ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang taong extension nito. Mahigpit pa ring ipinatutupad sa iba’t-ibang entry at exit points ang military checkpoints.
( Weng Fernandez / UNTV Correspondent )
Tags: Col. Romeo Brawner, Maute, recruits