Inaprubahan na ng Toll Regulatory Board ang petisyong inihain ng Metro Pacific Tollways Corporation na humihiling ng dagdag singil sa toll fee sa North Luzon Expressway, ito’y upang mabawi ang 3.7 billion pesos na ginastos ng MPTC para sa pagpapalawak ng ilang mga kalsada, pagsasaayos ng ilang pasilidad at pag-upgrade ng ilang kagamitan sa NLEX.
Simula sa November 6, madadagdagan na ng twenty-five centavos kada kilometro ang singil sa toll fee. Simula sa kahabaan ng North of Marilao sa Bulacan hanggang sa Sta.Ines Pampanga.
Ibig sabihin, ang regular na toll fee na 218 pesos mula Marilao hanggang Sta.Ines ay magiging 238 pesos na para sa class 1 vehicle.
Bukod sa NLEX, inaprubahan rin ng TRB ang sixty-seven centavos per kilometer na dagdag singil sa STAR Toll simula sa Sto. Tomas hanggang Batangas City.
Pero ayon sa TRB, magiging pansamantala lamang ang taas-singil dahil may mga nakabinbin pa na petisyon na kumukwestyon sa nasabing toll hike.
Samantala, inihayag naman ng MPTC na handa ang NLEX, SCTEX at Cavitex sa inaasahang bulto ng mga motoristang bibiyahe ngayong undas.
Kumpinyansa ang MPTC na magkakaroon ng malaking pagbabago sa pagbiyahe ng mga motorista ngayon taon dahil natapos na nila ang ilang road expansion project.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: MPTC, NLEX, Star Tollway