Tatlo sa limang whistleblower na nagsagawa umano ng manipulasyon sa national elections, lumantad na sa media

by Radyo La Verdad | May 30, 2016 (Monday) | 1279

BRYAN_MANIPULASYON
Mga empleyado ng lokal na pamahalaan sa Quezon province ang tatlong humarap na whistleblower upang isiwalat ang dayaan sa eleksyon noong Mayo.

Hindi muna nila inilantad ang kanilang mukha at pangalan sa takot na malagay sa peligro ang kanilang buhay.

Boluntaryo umano silang dumulog kay Boy Saycon, ang Secretary General ng Council on Philippine Affairs upang ihayag ang kanilang nalalaman at di kinausap ng kampo ni Senador Bongbong Marcos.

May makina umano silang ginagamit upang dito gawin ang manipulasyon upang tumaas ang boto nina Presidential candidate Mar Roxas at noo’y Vice presidential candidate Leni Robredo.

Isang linggo bago ang eleksyon inihanda umano ang mga makina at computers na pang manipula at 14 days naman silang sumailalim sa training.

24 hours silang nagsasagawa ng operasyon mula ng matapos ang halalan

Ayon sa isang whistleblower na nagsilbing logistics supervisor ang alam nila ay sasailalim lang sila sa training ukol sa pagsasaayos ng computer nguni’t pagmamanipula na pala ang kanilang gagawin sa mismong araw ng eleksyon.

Sa isang pribadong gusali mismo sa Quezon province nila ginagawa ang operasyon sa resulta ng boto ng mahigit 1 million registered voters sa probinsya

Ayon sa mga ito, nasa humigit kumulang dalawan daang libong boto ang binawas kay Vice President Candidate Bongbong Marcos.

Mahigit tatlong daang libo naman ang idinagdag kay incoming Vice president Leni Robredo.

Mahigit 400 thousand naman na boto ang idinagdag kay Presidential candidate Mar Roxas.

Galing ang mga idinagdag na boto nina Roxas at Robredo mula sa ibang katunggaling kandidato ng mga ito.

Si President-elect Rodrigo Duterte naman ang mas binawasan ng maraming boto.

Habang binawasan rin ang boto nina senatorial candidates TG Guingona at Serge Osmena III.

May nakinabang din umano ng malaki sa mga tumakbong senador.

Naniniwala naman si Saycon walang alam si Vice president-elect Robredo sa pangyayaring ito.

Bukod sa Quezon Province kasama rin ang probinsya ng Tarlac at Pampanga sa nagkaroon ng dayaan sa mga boto.

Isang mataas na opisyal ng pamahalaan umano ang direktang nabibigay instruction sa kanilang operasyon.

Nagtungo ang mga ito sa senado ngayong araw upang makipagpulong kina Senator Guingona, Osmena, Nancy Binay at Tito Sotto.

Sa labas ng Senado naman ay nagsagawa ng kilos protesta ang kampo ni Marcos.

(Bryan De Paz / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,