Swiss challenge system, nais gamitin ni Pangulong Duterte sa procurement process sa bansa

by Radyo La Verdad | January 29, 2018 (Monday) | 2577

Polisiya ng lowest bid sa public bidding batay sa Procurement Act ang ugat ng korupsyon at delay sa mga proyekto ng pamahalaan, ito ang palaging binabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pagkagaling sa kaniyang unang biyahe sa labas ng bansa ngayong taon, inihayag nito na nais niyang gawin ang mga proyekto sa bansa sa pamamagitan ng swiss challenges.

Swiss challenge system ang paraan ng pagpili ng pinakamainam sa hanay ng mga unsolicited proposal para sa isang proyekto. Pagkatapos nito, maghahanap pa ang gobyerno ng ibang partido na may kapasidad i-challenge ang naturang proposal, mayroong mas mababang alok na presyo subalit may kaparehas na kalidad.

Ang sistemang ito ang gagamitin ngayon ng pamahalaan para sa rehabilitasyon ng pinaka-apektadong lugar sa Marawi City.

Paliwanag naman ng Malakanyang, naaayon pa rin sa Procurement Act ang swiss challenge system at ito ang nakikitang paraan ng Pangulo para maresolba ang suliranin sa korupsyon partikular na sa big infrastructure projects. Subalit may plano rin ang administrasyong itulak ang pag-amyenda sa Procurement Act.

Samantala, inatasan din ni Pangulong Duterte ang Department of Public Works and Highways, maging ang Department of the Interior and Local Government na abisuhan ang mga contractor hinggil sa kaniyang 30-day grace period para sa mga proyekto.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,