Suplay ng tubig sa Mandaluyong at Pasig, naibalik na ng Manila Water

by Radyo La Verdad | March 18, 2019 (Monday) | 2798

METRO MANILA, Philippines – Matapos ang halos walong araw na kalbaryo sa kawalan ng tubig, naibalik na ng Manila Water noong Biyernes sa kanilang mga customer ang suplay sa Mandaluyong at Pasig City.

Bagaman limitado at mahina parin ang daloy ng tubig, malaking tulong na rin para sa mga residente na kahit paano ay makapagiimbak sila upang may magamit.

“Medyo may kahinaan, mapalad na rin, malaking tulong na rin, at kahit mahina,” sabi ni Brgy. Barangka Drive Mandaluyong OIC Mike Santos

Bagaman mayroon na muling suplay ng tubig ayon sa Manila Water tuloy pa rin ang pagpapatupad nila ng rotational water service interruption sa ilang mga lugar upang masustinehan ang suplay hanggang sa susunod pang mga araw. Ito’y upang maiwasan na maulit pa ang krisis sa tubig ng kanilang mga customer.

Sa ngayon, mayroong suplay ng tubig ang mga taga Mandaluyong tuwing alas singko ng umaga hanggang alas sais ng gabi. Subalit mawawalan ng tubig simula alas siete ng gabi hanggang alas kwatro ng madaling araw. Habang ang Pasig City ay makararanas pa rin ng water service interruption ng mahigit sa labing walong oras.

“Ay wala naman pong problema basta sa umaga magkaroon lang kahit sa gabi patayin na nila, okay lang naka-ipon na kami,” Perlas Silvestre, residente

Sa huling pahayag na inilabas ng Manila Water, sinabi nito na unti-unti nang tumataas ang lebel ng tubig sa kanilang imbakan kaya’t kahit paano ay mayroon na silang maisu-suplay sa kanilang mga customer.

Sisikapin rin umano nila na maibalik sa normal ang pressure ng tubig sa mga susunod na araw. Binawi rin nila ang naunang pahayag na posibleng tumagal sa buong panahon ng taginit ang 20-oras na water service interruption.

Sinimulan na rin umano ng Manila Water na patakbuhin ang Cardona Water Treatment Plant sa Rizal na kayang makapag suplay ng 22 hanggang 50 milyong litro ng tubig kada araw.

Posible na rin anilang simulan sa susunod na buwan na iactivate ang kanilang mga deepwell upang masapatan ang pangangailangan sa tubig ng kanilang mga customer ngayong panahon ng taginit.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,