Sunod-sunod na oil price rollback, hindi sapat para ibaba ang pamasahe sa jeep – Pasang Masda

by Radyo La Verdad | November 28, 2018 (Wednesday) | 7333

Nanindigan ang isang transport group na hindi sapat ang sunod-sunod na roll back sa presyo ng produktong petrolyo upang ibaba ang minimum na pamasahe sa jeep. Ito ang pahayag ni Roberto Martin, ang national president ng Pasang Masda bilang pagtutol sa pagbaba ng pamasahe sa jeep.

Ayon kay Martin, isang taon na mula nang maghain sila ng petisyon para sa taas-pasahe, ngunit nang maaprubahan ay naging nuebe pesos lamang mula sa otso pesos.

Paliwanag niya, 39 hanggang 40 piso lamang ang presyo ng diesel nang ihain nila ang petisyon. Kayat nang pumalo na 50 piso ang litro ng diesel, naghain sila amended petition at naaprubahan kamakailan lang ang sampung pisong minimum na pamasahe sa jeep.

Ikukunsidera naman ng LTFRB ang pagbaba ng pasahe kung magtutuloy-tuloy ang roll back sa presyo ng diesel. Pag-aaralan din nito ang pagbuo ng iskema sa pagbaba at pagtaas ng pamasahe.

Ayon naman kay Martin, sakaling umabot sa 39 pesos kada litro ang diesel at maging stable ito, sila na mismo ang hihiling sa LTFRB na ibaba ang pamasahe.

Para naman sa isang commuters group, hindi baleng sampung piso ang minimum na pamasahe sa jeep, basta maganda ang serbisyo ng pambublikong transportasyon.

Samantala, muling kinansela ng LTFRB ang pagdinig kanina sa hiling na ibalik sa otso pesos ang minimum na pasahe sa jeep at itinakda ito sa ika-4 ng Disyembre.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,