Suggested Retail Price ng face shield, itinakda sa P26-P50 kada piraso

by Erika Endraca | August 13, 2020 (Thursday) | 5959

METRO MANILA – Alinsunod sa memorandum order na inilabas ng Department Of Health (DOH) kahapon (August 12), itinatakda sa P26 – P50 ang Suggested Retail Price (SRP) ng kada piraso ng face shield.

Sakop ng SRP ang basic nonmedical grade o ordinaryong face shield.

Nakasaad rin sa memo na pwede pang patungan ng nasa sampung porsyento ang srp ng face shield partikular na kung ito ay isu-suplay sa mga lugar sa Visayas at Mindanao.

“SRP ng face shield nagpagawa kami ng informal lang naman pero local survey parng study of the market kung gaano talaga ang ino- offer na prices among the different big drug stores. Also looking at online na mga bentahan pra makuta natin range ng prices na meron tayo” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Kahapon (August 12) nag-inspeksyon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa ilang tindahan ng medical supplies sa Bambang sa Maynila.

Sa kanilang pagiiikot natuklasan na ibinebenta ang mga ito sa halagang P28 – P75 depende sa klase at dami ng bilbilhin ng customer.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo may ilang sumbong na ang idinulog sa kanila hinggil sa overpriced na bentahan ng face shield.

Babala ng DTI paglabag sa price act ang sinomang negosyante na mahuhuling nagsasamantala sa presyo ng face shield, ay posibleng pagmultahin o makulong depende sa antas ng paglabag.

Samantala, tiniyak naman ng DTI na mayroong sapat na suplay ng face shield sa bansa, kaya’t hindi dapat na mag-hoard ang ating mga kababayan.

“Kasi marami tayong local manufacturers nito yung mga nagrepurpose from other products before na minamanufacture nagstart na gumawa ng face mask,PPEs face shield,so marami tayong suplay hindi tayo mauubusan” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Ang pagtaas ng demand sa face shield ay kasunod ng anunsyo ng Department Of Transportation (DOTr) na mandatory na ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong sasakyan gayundin ang mga empleyado pisikal na pumapasok sa mga opisina na maguumpisa ng August 15.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,