Sugat na dulot ng paputok, posibleng mauwi sa tetanus infection at ikamatay – DOH

by Jeck Deocampo | December 27, 2018 (Thursday) | 4159

METRO MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat sa mga posibleng sakit na dulot ng sugat mula sa mga paputok.

Kabilang na rito ang tetanus infection na isa anilang delikado at nakamamatay na sakit. Kaya naman payo ng DOH sa mga napuputukan, kaagad na magtungo sa ospital at magpagamot upang makaiwas sa tetanus infection.

Basta tayo ay naputukan kahit minor lang siya, nasunog tayo, kailangan talagang pumunta sa hospital kasi bibigyan ka ng anti-tetanus na injection kasama iyong toxoid at anti-tetanus serum,” ani DOH Undersecretary Eric Domingo.

Binigyang-diin ng Kagawaran ng Kalusugan na delikado ang sakit na tetanus at bihira ang nakaliligtas lalo na kung hindi nabakunahan ng anti-tetanus.  Huwag na rin hintayin na makaramdam pa ng sintomas ng tetanus infection bago pa pumunta sa ospital. Kabilang dito ang pamumulikat o muscle spasms sa mukha at sa leeg, lagnat at hirap sa paghinga.

“Talagang nakakamatay po ang tetano. Maninigas iyong kanilang panga at hindi gumagalaw, nagku- kumbulsyon at sa katagalan ay namamatay within a week siguro or a few days. So, gusto natin i-prevent ‘yan.”

Para makaiwas sa impeksyon, hugasan ng malinis na tubig ang sugat o bahaging nasabugan ng paputok. Balutin ito ng malinis na gasa o tela. Huwag rin lalagyan ng toothpaste o kahit anoman at dalhin agad sa ospital ang biktima.

Samantala, 24 na ang naitalang fireworks-related injuries ng DOH simula Biyernes hanggang kahapon ng umaga. Karamihan sa mga nabiktima ay mga lalaking nasa edad dalawa hanggang 49 na taong gulang. Ngunit ayon sa kagawaran, mas mababa pa rin ito ng 54% o 28 kaso kumpara noong nakaraang taon.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , , , ,