Skyway 3 mananatiling bukas, TRB dapat pa ring magbigay ng toll permit

by Erika Endraca | March 17, 2021 (Wednesday) | 2399

METRO MANILA – Mananatiling bukas ang Skyway 3 kahit nasa 97% palang ang completion nito. Ito ang pahayag ni San Miguel Corporation President Ramon S. Ang matapos sabihin ng Toll Regulatory Board (TRB) na hindi sila mag i-issue ng permit hanggat hindi 100% complete ang Skyway 3.

“Pinipilit ng TRB na hindi maaaring magsimula ng operasyon at mangolekta ng toll hanggat hindi ito 100% complete ang lahat ng mga ramp. Pero nakasaad sa aming kasunduan na maaari naming simulan ang pagkolekta kapag 95% complete na ito – nasa 97% na kami ngayon. Kailangan namin ng sapat na pondo para sa pang-araw-araw na pagpapanatili ng toll road,” paliwanag ni San Miguel Corporation President Ramon S. Ang.

Dagdag pa ni Ang, tataas ang pagkalugi ng Skyway 3 kung patuloy na iaantala ng TRB ang pagkokolekta ng toll.
Pinondohan ng SMC ang mahigit P80-bilyong gastos sa pagpapatayo ng Skyway 3. Binuksan ito noong Disyembre 29, 2020 at naglalayong serbisyuhan ang mahigit 60, 000 motorista kada araw.

“Ginawa namin ang lahat upang matiyak na makakapagpatakbo tayo kaagad ng Skyway 3, upang makapaglingkod tayo sa mga motorista at matupad ang aming layunin, na bawasan ang trapiko sa Metro Manila at inaasahan namin, sa pamamagitan nito ay makalikha tayo ng maraming mga trabaho at mga oportunidad para sa mas maraming pinoy. Ito ay talagang isang pagsisikap ng aming grupo, at kailangan nating magtulungan para magtagumpay ang ating bansa.” ani San Miguel Corporation President Ramon S. Ang.

(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)

Tags: ,