Singil sa tubig, bababa sa susunod na taon

by Radyo La Verdad | December 16, 2015 (Wednesday) | 2569

MAYNILAD
Simula Enero ng susunod na taon, 19 centavos per cubic meter ang mababawas sa sisingilin ng Maynilad sa kanilang mga customer habang 26 centavos naman ang tatapyasin sa water bill ng Manila Water.

Ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System, ang bawas singil ay bunsod ng paggalaw ng Foreign Currency Differential Adjustment o FCDA at basic charge ng dalawang water concessionaire.

Para sa mga sakop ng Maynilad na komokonsumo ng 10 cubic meter kada buwan ay may kabuuang 64 centavo na bawas sa kanilang monthly bill, mahigit dalawampiso naman sa may water consumption na 20 cubic meter at sa 30 cubic meter ay mahigit limampiso.

Samantala, ang mga customer naman ng Manila Water na maliit lamang ang konsumo o yung mga tinatawag na lifeline user ay mayroong mahigit pisong bawas singil. Sa mga komokonsumo ng 10 cubic meter, P1.38, sa 20 cubic meter mahigit tatlong pisong bawas at sa 30 cubic meter ay mahigit anim na piso naman ang bawas singil

Ayon sa MWSS, mananatili ang mababang singil sa tubig hanggang sa buwan ng Marso.

Ang MWSS ay nagtatakda ng singil sa tubig apat na beses sa loob ng isang taon batay sa paggalaw ng dolyar alinsunod sa tinatawag na FCDA

Nag su-supply ng tubig ang Maynilad sa Manila, Quezon City, Makati, Caloocan, Paranaque, Las Piñas, Valenzuela, Navotas at Malabon

Habang kabilang naman sa mga sakop ng Manila Water ang Mandaluyong, Pasig, San Juan, Pateros, Taguig, Marikina at ilang bahagi ng Quezon City at Rizal Province

Subalit ang Manila Water naghahabol pa rin ng 79 billion sa pamahalaan dahil sa maaaring malugi sa kanila mula taong 2013 hanggang 2037

Nais sanang singilin ng Manila Water ang 79 billion sa mga customer nito subalit nagdesisyon ang arbitration panel na hindi ito maaari dahil itinuturing sila bilang isang public utility

Batay sa concession agreement, ang corporate income tax ay hindi maaaring singilin ng isang public utility

Ang Maynilad 5.2 billion naman ang nais singilin sa pamahalaan, bagamat naipanalo ng Maynilad ang kaso sa arbitral panel hindi naman pumayag ang mwss na singilin ito sa mga customer

Kaya naman isang kaso ang isinampa ng Maynilad sa arbitral panel upang singilin na lamang ito sa Department of Finance

Hanggang ngayon ay inilalaban pa rin ng Manila Water at Maynilad ang kanilang kaso sa arbitral panel

Ayon sa MWSS, ang naturang paggalaw sa presyo ng tubig ay ginagawa kada quarter ng taon, ang pagtaas at pagbaba sa presyo ay ginagamit ng mga konsesyonaryo upang mas lalong mapaganda ang kanilang serbisyo.

(Mon Jocson/UNTV News)

Tags: ,