Resulta ng imbestigasyon sa pagkakapatay kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa, posibleng ilabas ngayong buwan-PNP-IAS

by Radyo La Verdad | December 9, 2016 (Friday) | 1568

rey_leuterio
Halos kumpleto na ang hawak na mga dokumento at ebidensya ng PNP-Internal Affairs Service kaugnay ng imbestigasyon sa pagkakapatay sa dating alkalde ng Albuera na si Rolando Espinosa at isa pang inmate na si Raul Yap.

Sa programang Get It Straight with Daniel Razon, sinabi ni PNP-IAS Acting Deputy Inspector General CSupt. Leo Angelo Leuterio na nakapagsumite na ng counter-affidavit ang mga tauhan ng CIDG Region 8 na respondents sa kaso.

Sa pagtaya ng IAS, maisusumite na nila kay PNP Chief Ronald Dela Rosa ang resulta ng imbestigasyon bago matapos ang buwan ng Disyembre.

Anuman ang magiging resulta ng imbestigasyon, sinabi ng IAS na nasa pagpapasya na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang gagawing aksyon sa mga pulis na sangkot sa kaso.

Bukod sa kaso ng CIDG-8 personnel, inaasikaso rin ng PNP-IAS ang mahigit sa 2,000 kaso na may kinalaman sa paglabag sa Police Operational Procedure.

700 na rito ang napatunayang lehitimo ang operasyon habang 29 naman ang isinailalim na sa summary hearings.

Sa ngayon ay nasa 700 lamang ang tauhan ng IAS na higit na mababa kumpara sa 5,600 na dapat nilang bilang upang mas mapabuti ang kanilang tungkulin.

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

Tags: , ,