Rep. Castro, itinanggi na inipit ang budget ng PCOO para magbitiw sa pwesto si Mocha Uson

by Radyo La Verdad | October 4, 2018 (Thursday) | 2672

Nanindigan si ACTS Teachers Party-list Representative France Castro na hindi niya inipit ang panukalang pondo ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na siyang dahilan ng pagbibitiw sa pwesto ni Assistant Secretary Mocha Uson.

Ayon sa kongresista, Kamara ang nagpasyang i-defer ang deliberasyon ng pondo ng PCOO at hindi niya sariling desisyon ito.

Ayon kay castro, nais lamang niyang humarap si Uson sa Kamara upang linawin ang ilang mga isyu.

Kung humarap lang daw sana si Asec. Mocha sa pagdinig ng panukalang pondo ng PCOO ay hindi na umano aabot pa sa ganito ang sitwasyon.

Ayon kay Anak Pawis Party-list Rep. Ariel Casilao, welcome si resigned PCOO Asec. Mocha Uson na lumahok sa nalalapit na eleksyon. Kasunod ito ng bali-balitang tatakbo si Uson bilang pary-list representative.

Kung kapwa umano sila palarin na muling mahalal ay mas magkakaroon na ng pagkakataon sila ay magdebate sa iba’t-ibang isyu.

Ngayon papalapit na umano ang eleksyon kaya malaya ang sinoman na gumawa ng mga gimik.

Ayon kay Senator Lisa Hontiveros, huli na ang pagreresign ni Mocha sa gitna ng isyu ng pagiging incompetent, state sponsored vulgarity at pagpapakalat ng fake news nito.

Aniya, iiwanan din ni Uson ang PCOO na may sirang reputasyon.

Nanawagan din ito kay Secretary Martin Andanar na ayusin ang kaniyang tanggapan.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,