Rebelyon ng mga local terrorist group, dahilan ng Martial Law declaration – Pres. Duterte

by Radyo La Verdad | May 25, 2017 (Thursday) | 1656


Isang opisyal ng pulisya sa Marawi City ang umano’y pinugutan ng ulo ng mga armadong grupong sumalakay sa siyudad.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdating niya sa bansa galing sa pinaiksi nitong official trip sa russia kahapon.

Dahil sa rebelyon ng mga ISIS-Influenced Local Terrorist Group, nagdesisyon ang pangulo na magdeklara ng Martial Law at suspindihin ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus upang wakasan na rin ang lahat ng suliraning nagpapahirap sa Mindanao.

Ayon sa pangulo, mapipilitin siyang magdeklara rin ng Martial Law sa buong bansa kung lalaganap ang katulad na karahasan.

Kasabay nito, magkakaroon ng mga check point, searches at maging ang arrest without warrant sa Mindanao.

Magpapatupad din aniya ang militar at pulisya ng curfew sa mga piling lugar sa Mindanao gaya ng Lanao del Norte, Lanao del Sur, Maguindanao, Sultan Kudarat, North Cotabato at posible rin aniya sa Zamboanga para sa kapakanan ng mga sibilyan.

Tiniyak naman ng pangulo na hindi nito pahihintulutan ang anumang pag-abuso sa karapatan lalo na ng mga law-abiding citizen habang ipinatutupad ang Martial Law sa Mindanao.

Pahihintulutan din nitong mag-armas ang mga sibilyan kung legal ito at may kaukulang dokumento.

Samantala, itinalaga naman si AFP Chief of Staff General Eduardo Año na manguna sa pagpapatupad ng batas military.

Dahil dito, palalawigin ng anim na buwan ang kanyang termino at ipinagpaliban muna ang pagtatalaga sa kanya bilang kalihim ng DILG.

(Rosalie Coz)

Tags: ,