Pandemic response, dahilan ng pagbaba ng satisfaction rating ni Pres. Duterte – VP Spokesperson

by Radyo La Verdad | November 1, 2021 (Monday) | 44908

Halos dalawang taon na subalit nasa gitna pa rin ng pandemiya ang Pilipinas kaya naman pagod na ang mga tao, giit ni Atty. Barry Gutierrez,  tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo, ang pangamba at kawalan ng malinaw na sagot kung paano makaka-ahon sa epekto ng pandemiya sa bansa ang posibleng dahilan ng pagbaba ng satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa 3rd quarter 2021 survey ng social weather stations, lumabas na walong porsyento ang ibinaba ng satisfaction rating ng Pangulo.

Mula sa 75 percent noong Hunyo, bumaba sa 67 percent ang mga nagsasabing satisfied o kuntento sila sa performance ni Presidente Duterte nitong Setyembre.

15 porsyento naman ang nagsabing hindi sila nasisisyahan kaya nakakuha ng positive 52 net satisfaction rating ang Pangulo sa 3rd quarter ng taon.

Mababa ito ng sampung puntos kung ikukumpara sa positive 62 rating ng Punong Ehekutibo noong Hunyo bagaman nananatili pa rin itong “very good” ayon sa SWS.

Subalit para kay Presidential Spokesperson Harry Roque, patunay itong nananatiling mataas ang kumpyansa ng publiko sa abilidad at competence ng Presidente upang pangunahan ang bansa sa gitna ng krisis sa kalusugan.

Dagdag pa nito, magpapatuloy ang Duterte administration sa mga hakbang upang mas maging mainam ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino at makabawi sa epekto ng pandemiya.

Rosalie Coz | UNTV News

                               

Tags: , , ,