Ratings, hindi prayoridad ng administrasyong Duterte – Malakanyang

by Radyo La Verdad | October 10, 2017 (Tuesday) | 3300

Bumaba man ang ratings ng publiko kay Pangulong Rodrigo Duterte batay sa huling survey ng Social Weather Stations, hindi nababahala ang Malakanyang sa resulta nito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, inaasahan na ang pagbaba dahil ganito rin ang nangyari sa mga nakalipas na administrasyon. Dagdag pa ng opisyal, hindi popularidad ang habol ni Pangulong duterte dahil ang mas pinagtutuunan nito ng pansin ay ang matupad ang kaniyang mga ipinangako sa tao.

Kasama na rito ang pagresolba sa suliranin ng bansa sa korapsyon, kriminalidad at iligal na droga. Binigyang-diin naman ng Malakanyang na isinasaalang-alang pa rin ng adminstrasyong Duterte ang daing ng publiko.

Naniniwala naman si Presidential Chief Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na may epekto sa SWS survey ratings ang nangyaring pagpaslang ng mga umabusong pulis sa ilang kabataan tulad nina Kian Delos Santos at Carl Arnaiz.

Hindi naman aniya pahihintulutan ni Pangulong Duterte na hindi managot sa batas ang mga responsable rito.

Subalit ayon sa abugado, hindi magpaapekto sa resulta ng mga survey ang Pangulo at mananatili ang kaniyang war on drugs.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,