Prosekusyon, nanindigang may matibay na ebidenysa laban kay Pampanga Rep. Gloria Arroyo kaugnay ng NBN-ZTE deal

by Radyo La Verdad | June 17, 2016 (Friday) | 8955

UNTV__image__062812__GLoria-Macapagal-Arroyo1
Matibay ang ebidensyang iprinisinta laban kay dating president at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa kasong graft kaugnay ng NBN-ZTE deal.

Kaya naman ayon sa prosekusyon, hindi dapat madismiss ang kaso niya sa Sandiganbayan 4th division.

Ito ay kasunod ng paghahain ni Arroyo ng motion for leave to file demurrer to evidence kung saan hinihiling nito na idismiss na korte ang kaso.

Ayon kay Arroyo, hindi napatunayan ng prosekusyon na may naging interes o nakinabang siya sa NBN-ZTE deal.

Hindi rin umano naging disadvantageous ang proyekto sa pamahalaan.

Ngunit sa comment ng prosekusyon, sinabi nitong malaki ang nilugi ng gobyerno sa proyekto dahil overpriced ang kontrata.

Ang orihinal na halaga ng broadbrand project ay 130 million US dollars, ngunit inapruba ito sa final price na 329 million US dollars.

Ayon pa sa prosekusyon, halatang pinaboran nila Arroyo ang kumpanyang ZTE sa kabila ng mas maganda sanang service offer ng kalaban na bidder.

30% lang kasi ng bansa ang maaabot ng broadband project ng ZTE kumpara sa kalaban nito na bidder na Amsterdam Holding Inc. na kayang abutin ang 80% sa mas murang halaga.

Di rin aniya maikakaila na may personal monetary interest sina Arroyo dahil pumayag siya sa alok ni dating COMELEC Chair Benjamin Abalos na makipagkita sa ZTE officials at magtanghalian sa opisina nila sa China.

Sa ngayon, narinig na ng korte dalawang panig at dedesisyunan na nito kung sapat ba na merito ang kaso upang i-convict si Arroyo.

Maliban sa graft case na ito, nahaharap din siya sa plunder case kaugnay naman ng maanomalyang paggamit ng pondo ng PCSO.

Inakyat na nila Arroyo sa Korte Suprema ang kaso at inaabangan na rin ang desisyon nito.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,