Presyo ng ilang basic at prime commodities, tumaas

by Radyo La Verdad | July 5, 2018 (Thursday) | 21572

Napansin ni Aling Florida na nagtaas ang presyo ng isang brand ng sardinas. Kada dalawang linggo ay nag go-grocery siya para sa kanyang maliit na sari-sari store. Dahil nagmahal na ang ilang produkto, nagdagdag na rin ng presyo si Aling Florida.

Kanina nag-ikot sa ilang mga pamilihan ang department of trade and industry at kinumpirmang nagtaas nga ang presyo ng ilang basic at prime commodities.

Dahil dito, naglabas ng bagong suggested retail price (SRP) ang DTI upang mabigyan ng gabay ang mga consumer.

Kabilang sa nagtaas ng presyo ang mga canned goods gaya ng sardinas na nagtaas ng 50 sentimos hanggang piso. Corned beef at meat loaf na nagtaas ng 50 sentimos hanggang P1.50.

Nagtaas din ng piso hanggang P1.50 presyo ang gatas. Maging ang detergent o sabong panlaba ay tumaas rin ang halaga ng nasa singkwenta sentimos.

Ang dahilan ng taas presyo, nagmahal ang halaga ng raw products. Nakaapekto rin sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang kakulangan sa supply ng bigas at asukal.

Lahat ng taas presyo ay epekto ng inflation nitong nakaraang Hunyo na umabot sa 5.2%.

Pero ayon sa isang consumer group, ang pinakasalarin dito ay ang implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Kaya muling iginiit ni Laban Konsyumer President Vic Dimagiba na ipatigil ang implementasyon ng naturnag batas.

Sa pahayag ni Dimagiba, sinabi nito na ramdam na ramdam ng mga Pilipino ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa TRAIN law.

Bukod sa presyo ng mga pangunahing bilihin, tataas rin ngayong buwan ang singil sa tubig at kuryente.

Nakaamba ring tumaas ang presyo ng petrolyo sa susunod na linggo.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,