Pres. Duterte, pupunta sa Marawi City bukas

by Radyo La Verdad | June 29, 2017 (Thursday) | 1309

Masakit sa kalooban ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nangyayari sa Marawi City.Bukod aniya sa malawakang pagkasira ng siyudad, marami na ring mga tauhan ng pwersa ng pamahalaan ang napaslang dahil sa mahigit isang buwan nang pakikipagbakbakan sa mga miyembro ng isis-linked Maute terrorist group.

Ayon sa pangulo, bilang Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines, nasasaktan siya sa pagkasawi at pagkasugat ng mga sundalong inutusan niyang makipaglaban.

Kaya bukas, planong magtungo ng punong ehekutibo sa lungsod upang bisitahin ang mga sundalong nakikipagbakbakan sa conflict area.

Sinabi ito ng pangulo sa pagdiriwang ng 120th anniversary ng Presidential Security Group at groundbreaking ceremony ng bagong PSG station hospital command sa Malacañang park kahapon.

Dagdag pa nito, nais niyang manatiling mataas ang morale ng mga sundalo. Utos din niya na puksain lahat ng tahasang sumisira sa bansa malibang sumuko ang mga ito.

Inatasan na ni pangulong Duterte si Health Secretary Paulyn Jean Ubial na bilhin ang lahat ng kinakailangang hospital equipment para sa mga sundalo sa loob ng animnapung araw. May sinabi rin siya ukol sa mga umano’y claimants sa kaniyang pagkapangulo.

(Rosalie Coz/UNTV News Reporter)

Tags: , ,