PNP-IAS, tatapusin na sa Marso ang imbestigasyon sa mga pulis na sangkot sa high profile cases

by Radyo La Verdad | February 10, 2017 (Friday) | 1397


Bago sumapit ang buwan ng Marso ay isusumite na ng PNP-Internal Affairs Service kay PNP Chief PDG Ronald “Bato” Dela Rosa ang kanilang rekomendasyon at draft decision sa kaso ng grupo ni PSupt. Marvin Marcos at 17 iba pang pulis na sangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.

Bukod pa ito sa iniimbestigahan rin nilang kaso ng grupo nina SPO3 Ricky Sta. Isabel na dawit naman sa Jee Ick Joo kidnap slay case.

Ang mga ito ay pawang nahaharap sa administrative case na grave misconduct.

Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Triambulo, mayroong 30 araw si Chief PNP Dela Rosa para pag-aralan ang isinumite nilang rekomendasyon kung kakatigan o babaguhin ito.

Subalit, maaari aniyang umapela sa Regional Appelate Court ng National Police Commission ang mga pulis na maaalis sa serbisyo hanggang sa makarating ang kaso sa Supreme Court.

Aniya, sa kanila nakasalalay ang desisyon kaya mayroon pang mga pulis na muling nakababalik sa serbisyo sa kabila ng kinasangkutang mga kaso.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: ,