Philippine National School for the Blind, magtatayo ng livelihood center para sa kanilang mag-aaral

by Radyo La Verdad | October 19, 2017 (Thursday) | 7773

Mahigit dalawang milyong Pilipino ang bulag o may visual impairment ayon sa tala ng Department of Health.

Ganunpaman, naniniwala ang Philippine National School for the Blind na sa pamamagitan ng edukasyon ay di makahahadlang ang kawalan ng paningin upang maging kapakipakinabang sa lipunan.

Kaya naman upang mas malinang pa ang kakayahan ng mga mag-aaral, isang livelihood center ang itatayo sa paaralan sa pakikipagtulungan ng James Mackay Foundation.

Iba-ibang uri ng pagkakakitaan ang matututunan ng mga mag-aaral sa livelihood center na magbibigay sa kanila ng oportunidad na magkaroon ng trabaho sa hinaharap. Isang PAGASA naman ang hatid nito para sa mga bulag na mag-aaral.

Lubos naman ang pasasalamat ng paaralan sa malaking tulong na ito ng organisasyon.

Samantala, tumatanggap naman ng tulong ang foundation para mabuo ang limang milyong pisong halaga na kinakailangan para sa proyekto.

Ang  livelihood center ay sisismulan sa January 2018 at target matapos sa October 2018.

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

Tags: , ,