Philippine Embassy sa Russia, hinikayat ang mga Pilipino sa bansa na bumoto sa eleksyon

by Radyo La Verdad | March 18, 2016 (Friday) | 1411

dfa
Handa na ang embahada ng Pilipinas dito sa Russia para sa Overseas Absentee Voting na mag-uumpisa sa April 9 hanggang May 9.

Ayon kay First Secretary and Consul General Melchor Lalunio Jr., nakapaglagay na sila ng mga tao para sa Special Ballot Reception and Custody Group at Special Board of Election Inspector.

Sumailalim na rin sa training ng COMELEC at ng Department of Foreign Affairs ang mga miyembro ng electoral boards at handa na rin ang venue na pagdarausan ng halalan.

Hinihintay na lamang nila ang pagdating ng mga election paraphernalias na manggagaling sa Pilipinas.

May 2,391 nakarehistrong botante dito sa Moscow na mula sa mga bansang dating kasapi ng Russian federation gaya ng Afghanistan, Armenia, Belarus, Kyrgystan, Tajikistan, Turkmenistan, Ukraine at Uzbekistan.

Bunsod nito hinikayat ng embahada ang ating mga kababayan kahit na ang mga nasa malalayong lugar na makiisa sa eleksyon.

Gaya ng ibang foreign service post, postal manual voting ang sistema ng botohan na gagawin dito sa Moscow.

Dito padadalhan ng balota ang mga nagparehistrong botante sa kanila kanilang bahay at may isang buwan sila upang makumpleto at maibalik ang kanilang mga balota sa konsulada.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,