Personal na galit ng mga makakaliwang kongresista kay Mocha Uson, dahilan umano ng pagbibitiw ng dating PCOO assistant secretary

by Radyo La Verdad | October 4, 2018 (Thursday) | 6200

Humarap ang mga opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa Senado kahapon kaugnay ng pagdinig sa kanilang budget sa susunod na taon na nagkakahalaga ng 1.4 bilyong piso.

Sa kalagitnaan ng pagdinig ay inihayag ni PCOO Assistant Secretary Mocha Uson ang kaniyang pagbibitiw sa pwesto.

Ang pagbibitiw sa pwesto ni Uson ay wala umanong kinalaman sa patuloy na kritisismo sa kaniya sa kontrobersyal na federalism campaign video at sign language video.

Sa panayam ng UNTV sa dating PCOO assistant secretary kagabi, sinabi nito na iniipit umano ng makakaliwang kongresista ang budget ng PCOO bunsod ng personal na galit ng mga makakaliwang kongresista laban sa kanya.

Nagsimula umano ito matapos mag-viral sa social media ang kaniyang panayam sa mga Datu ng Lumad sa Mindanao.

Plano ni Uson na tutukan ang kaniyang social media blog upang ilabas ang kaniyang mga saloobin. Mas matapang umano nitong isisiwalat ang katiwalian ng ilang kongresista lalo na ang mga makakaliwang grupong nais magpatalsik sa pwesto kay Pangulong Duterte.

Ayon kay Senator Joseph Victor Ejercito, mas mabuti na rin na ginawa ito ni Asec. Mocha.

Sa kabila nito, nanghihinayang naman si Senator Nancy Binay dahil oportunidad sana ni Mocha na patunayan sa lahat na karapat-dapat siyang tawagin sa nasabing posisyon.

Ayon naman kay Special Assistant to the President Bong Go, tinatanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw sa pwesto ni Uson.

 

( Asher Cadapan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,