Pederalismo, mas mabuting unang maipatupad bago ang BBL-Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | January 29, 2018 (Monday) | 3339

Mas madaling maisasakatuparan ang pag-apruba at pagresolba sa mga kwestyon sa constitutionality ng Bangsamoro Basic Law sa ilalim ng federal form of government.

Kaya naman, mas mainam ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte na maisakatuparan muna ang pederalismo, ito ang naging sagot ng Pangulo kung ano ang unang dapat na maisapinal nang tanungin ng isang mamamahayag noong magbalik bansa noong Sabado.

Panawagan ng Pangulo sa Moro people na bigyan pa ang pamahalaan ng sapat na panahon na resolbahin ang mga isyung nakapaloob sa mga panukalang ito.

Sa gitna ito ng umano’y patuloy at maigting na panawagan ng Moro groups na maisakatuparan ang pederalismo.

Ayon sa Pangulo, walang mareresolba kung muling magkakaroon ng laban sa pagitan ng Moro groups at pamahalaan.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawa ng pamahalaan na mga public hearing and consultation tungkol sa BBL sa iba’t-ibang lugar ng Mindanao upang kunin ang opinyon ng publiko.

Noong nakaraang linggo ay isinagawa ito sa Cotabato City.

 

( Janice Ingente / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,