PCOO, posible nang buwagin; Office of the Press Secretary, pinag-aaralan nang ibalik – Sec. Andanar

by Radyo La Verdad | October 8, 2018 (Monday) | 3741

Inihayag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na muling isinusulong sa tanggapan ng punong-ehekutibo ang pagbuhay sa Office of the Press Secretary at si Presidential Spokesperson Harry Roque ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay sa pwestong ito.

Posible na aniyang ma-dissolve o mawala ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) at ilagay na lang sa ilalim ng tanggapan ng press secretary.

Ayon kay Secretary Andanar, handa siyang magsakripisyo at bigyang-daan ang pamumuno ni Roque sa lalong ikasusulong ng communications aspect ng tanggapan ni Pangulong Duterte.

Gayunman, wala pang sagot si Roque kung tinatanggap niya ang panibagong offer na ito ng punong ehekutibo o itutuloy ang balak na pagtakbo bilang senador sa 2019 midterm elections.

Isa si Andanar sa mga kumukumbinsi kay Roque na ipagpaliban muna ang senatorial bid upang punuan ang pwestong press secretary.

Hindi pa naman tiyak kung malilipat sa ibang pwesto si Andanar, subalit sinabi nito na handa pa rin siyang tumulong sa administrasyong Duterte sa anomang kapasidad.

Tags: , ,