Pangunguha ng Chinese coast guard sa mga huli ng Pilipinong mangingisda, inireklamo ng Philippine Government sa China

by Radyo La Verdad | June 11, 2018 (Monday) | 2971

Iniharap ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa media ang mga mangingisdang nakaranas ng pangunguha ng mga tauhan ng Chinese coast guard ng huli nilang isda.

Ayon sa kanila, kapalit ng kinukuhang isda, binibigyan sila minsan ng noodles at inuming tubig ng Chinese coast guard.

Hindi naman itinuturing ng Malakanyang na panggigipit o harassment ang ginawa sa mga mangingisda dahil walang nangyaring pamumuwersa o paggamit ng dahas at armas laban sa kanila.

Subalit hinihiling ng mga Filipino fishermen sa pamahalaan na gumawa ng hakbang upang huwag na itong maulit dahil umaabot sa apat na libong piso ang nababawas sa kanilang kita dahil dito.

Inireklamo na ng pamahalaan sa China ang ginawa ng ilang tauhan ng Chinese coast guard lalo’t napagkasunduan na nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping ang pagkakaroon ng malayang pangingisda sa Scarbourough Shoal ng mga Filipino fishermen.

Gayunman, kung ang mga mangingisda ang tatanungin, ayaw na muna nilang magkaroon ng mga tauhan ng Philippine coast guard o Navy na magpapatrolya at humimpil sa scarborough shoal upang maiwasan ang anomang girian at paglala ng sitwasyon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,