Barko ng Chinese Maritime Militia at CCG, binangga ang mga barko ng Pilipinas sa WPS

by Radyo La Verdad | October 23, 2023 (Monday) | 15620

METRO MANILA – Hindi na naiwasang magkasagian ang supply boat na kinontrata ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang 1 barko ng China Coast Guard.

Ayon sa pahayag na inilabas ng National Task Force for the West Philippine Sea, nangyari ito alas-6 ng umaga ng Linggo, October 22, habang nagsasagawa ng panibagong rotation and resupply mission sa BRP Siera Madre na nasa Ayungin Shoal.

Kita sa mga video na kuha mula sa supply boat na Unaiza May 2 ang pagdikit ng barko ng China.

Sa isa pang video mula sa himpapawid, makikitang deretso ang takbo ng supply boat na hinahabol at sinusubukang harangan ng chinese vessel.

Sa isa pang video, kita namang bumangga ang Chinese maritime militia vessel sa port side ng ng BRP Cabra ng Philippine Coast Guard (PCG) habang ito ay nakahimpil may 6.4 nautical miles mula sa Ayungin Shoal.

Sa isang pahayag, mariing kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea ang mapanganib, iresponsable at iligal na gawain ng China Coast Guard at maritime militia na paglabag sa soberanya ng Pilipinas,

At tahasang pagbale-wala sa UNCLOS, Maritime Conventions para maiwasan ang banggaan sa karagatan at ng 2016 arbitral award.

Sa isang post sa social media ni United States Ambassador to the Philippines Marykay Carlson, sinabi nito na mariing kinokondena ng Estados Unidos ang pinabagong disruption ng China sa resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Naisapanganib aniya nito ang buhay ng mga Pilipinong sakay ng supply boat.

Naninindigan aniya sila kasama ng kanilang mga kaibigan, partners at kaalyado sa pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas.

Sa kabila naman ng panghaharang at pambu-bully ng China ay matagumpay pa ring naisagawa ang pinakabagong RORE mission ng AFP at PCG.

Tags: , , ,