Pangulong Rodrigo Duterte, personal na nag-abot ng tulong sa pamilya ni Joanna Demafelis

by Radyo La Verdad | February 23, 2018 (Friday) | 3532

Pasado alas tres ng hapon nang dumating si Pangulong Rodrigo Duterte sa bahay ng mga Demafelis sa Sara, Iloilo upang makiramay sa pamilya ng Filipino Overseas Worker na si Joanna na natagpuang patay sa loob ng freezer sa Kuwait.

Kasama niyang dumating sina Presidential Spokesperson Harry Roque, OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, ACTS OFW Representative Aniceto Bertiz III , Iloilo Governor Art Defensor, at iba pang mga local executives at kawani ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.

Personal ding iniabot ng Pangulo sa pamilya nito ang limangdaang libong piso (500,000) bilang tulong sa pamilya ni Joanna. 250 thousand pesos nito ay para sa death and burial assistance, 200 thousand pesos naman para sa livelihood assistance at 50 thousand pesos para sa educational assistance ng bunsong kapatid ni Joanna na si Joyce.

Sinabi rin ni Pangulo na tutubusin na ng pamahalaan ang naisanlang 3 ektaryang palayan ng pamilya Demafelis.

Sisiguruhin din aniya ng gobyerno na matatapos ang pagpapatayo ng kanilang bahay sa barangay Feraris sa Sara, Iloilo. Isa-isa ring nakatanggap ng bagong cellphone ang mga kaanak ni Joanna.

Nangako naman ang Pangulo na tutulungan niya ang pamilya Demafelis na makamit ang hustisya at sasampahan ng kaukulang kaso ang mga employer nito oras na mahuli.

Laking pasalamat naman ng mga kaanak ni Joanna sa pagbisita ng Pangulo sa kanilang lugar.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,