Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na tanggapin ang paliwanag ng pamilyang Marcos matapos na magpahayag umano ang mga ito ng kagustuhang maisauli sa pamahalaan ang bahagi ang ilan sa mga gold bar nito na una nang sinasabing bahagi ng kanilang ill-gotten wealth.
Ito ang inihayag ng punong ehekutibo ng pangunahan nito ang mass oath-taking ceremony ng mga bagong talagang opisyal ng pamahalaan kaninang hapon.
Dagdag pa ng Pangulo, naghahanap siya ngayon ng mga indibidwal na hindi matatawaran ang reputasyon na maaaring humawak sa naturang negosasyon.
Batay sa datos ng Presidential Commission on Good Government o PCGG, mula 2012 hanggang 2016, aabot na sa bilyon-bilyong piso ang narecover na halaga ng ill-gotten wealth mula sa pamilyang Marcos.
Nilikha ang PCGG sa ilalim ng administrasyon ni Dating Pangulong Corazon Aquino na may layuning bawiin ang ill-gotten wealth sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Samantala, nais naman ng Pangulong lumikha ng panibagong opisina kontra pangungurakot.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)