Pangulong Duterte, ipinatigil ang foreign marine exploration sa Philippine Rise

by Radyo La Verdad | February 7, 2018 (Wednesday) | 1651

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil ng pagbibigay ng foreign application for research sa Benham Rise o Philippine Rise.

Ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, layon nito na mapag-aralang mabuti ng pamahalaan ang proseso sa pagbibigay ng permiso sa mga foreign scientist na nais magsagawa ng pananaliksik sa lugar.

Gayunman, maaari pa ring magsagawa ng pag-aaral ang mga dayuhan kung pahihintulutan ng National Security Council.

Bukod sa mga requirement at clearance na hihingiin sa Department of Foreign Affairs, kailangan na ring humingi ng permiso ng foreign institutions na magsasagawa ng Marine Scientific Research o MSR kay Sec. Esperon.

Sa pamamagitan umano nito, mas magiging epektibo ang proseso sa pagbibigay ng permiso ng MSR at matiyak na mapapangalagaan ang resources sa Philippine Rise na sakop ng ating sovereign rights.

Samantala, sinabi naman ni UP Maritime Law Expert Professor Jay Batongbacal, tila tugon lamang sa kritisismo sa security implications ng MSR ang paghingi ng clearance sa NSA.

Posible rin aniyang makapagpadelay pa ito sa proseso ng paghingi ng permiso sa pagsasagawa ng marine research na karaniwan nang tumatagal ng apat na buwan.

Sa 46 na foreign research applications sa Philippine Rise mula taong 2000, 28 ang naaprubahan kabilang na ang 2 application mula sa Chinese foreign instutitution.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,