Pangulong Aquino, aminadong kulang ang anim na taon para maresolba ang lahat ng problema sa bansa

by dennis | May 7, 2015 (Thursday) | 1821
File photo
File photo

Habang papalapit na papalapit ang pagtatapos ng termino ng Pangulong Benigno Aquino III, ipinahayag nito na hindi sapat ang panahon ng kaniyang termino para maresolba ang lahat ng problema sa bansa.

Sa talumpati ng Pangulong Aquino sa Filipino community sa Chicago, Illinois sa America, ibinida ng Pangulo ang pagbaba ng unemployment rate at ang pagtaas ng foreign direct investments na mula sa $1.07 billion noong 2010 ay tumaas ito sa $6.2 billion ngayong taon.

Bukod dito, ipinagmalaki rin ng Pangulo na nasa 4.43 milyong pamilya na ang nakikinabang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa 800,000 noong nakaraang administrasyon.

Sa kabila nito, sinabi ng Pangulo na kulang ang anim na taon para matapos ang lahat ng kaniyang programa.

“Ito pong mga nabanggit ko sa inyo, preview pa lang po sa pagbabagong talagang natatamasa na natin. May kasabihan nga po: You ain’t seen nothing yet. Anim na taon po ang ating termino; hindi po natin sinabing mareresolba natin lahat ng problema ng Pilipinas sa naibigay sa ating panahon,” pahayag ng Pangulo.

Naniniwala si Pangulong Aquino na kung ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang mga nagawang reporma ng pamahalaan ay lalong bubuti ang kalagayan ng bansa.(Jerico Albano/UNTV Radio)

Tags: , , , , ,