Pamilya Marcos, tiwala kay Pangulong Duterte na makakapagtapos ng deka-dekada nilang kaso

by Radyo La Verdad | September 1, 2017 (Friday) | 3485

Kinumpirma ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na mayroong yaman ang kanilang pamilya na nais nilang ibalik sa pamahalaan. Ngunit hindi na ito nagbigay ng iba pang detalye tulad ng kung magkano ba ang kanilang isasauli.

Sinabi naman ng gobernadora na umaasa sila na sa tulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ay matatapos na ang lahat ng kasong kanilang kinakaharap.

Ayon kay Buhay Party list Rep. Lito Atienza, mismong si dating first lady at ngayon ay Ilocos Norte Congresswoman Imelda Marcos ang nagsabi sa kaniya na libo-libong tonelada ng  ginto na nakadeposito sa iba’t-ibang bansa ang nais isauli ng pamilya Marcos sa pamahalaan.

Ayaw naman magkomentaryo ni Gov. Marcos sa isyu. Ngunit ayon sa ilang mga kongresista, dapat na managot pa rin ang mga Marcos sa kanilang mga kaso kahit isauli nila ng kanilang mga tagong yaman.

 

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

Tags: , ,