METRO MANILA – Trending kahapon (June 8) sa social media ang post ng mga nagrereklamong netizen dahil sa pagsulputan ng mga pekeng Facebook account.
Ayon sa mga nagpost, hindi sila ang nagma-mayari ng naturang mga account.
Karamihan umano sa mga nagawan ng fake accounts ay sinasabing mga kritiko ng administrasyon na tumututol sa Anti-Terrorism Bill.
Marami ang nagdududa at nagsasabing kagagawan umano ng mga troll ang pagpapakalat ng mga fake accounts sa social media.
Sa pahayag na inilabas ng University of the Philipppines (UP), sinabi nito na ikinababahala nila ang pagdami ng mga pekeng accounts ng kanilang mga estudyante at alumni at pinayuhan na maging mapagbantay at ireport ang mga pekeng account.
Bukod sa UP, may ilan pang unibersidad ang nagsabing marami rin sa kanilang mga estudyante ang may ganitong reklamo.
Maging ang ilang miyembro ng media, ikinagulat din ang pagkakaroon ng mga dummy account.
Kaugnay nito inatasan na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang cyber crime division ng DOJ na makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police upang imbestigahan ang pangyayari.
Samantala, inaalam na rin ng National Privacy Commission kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat ng mga dummy accounts, at nakipagugnayan na rin sa Facebook Philippines upang matunton ang salarin sa pagsulputan ng mga pekeng accounts.
Hinihikayat ng national Privacy Commission ang mga netizen na ireport ang mga pekeng account sa www.facebook.com/help/report.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: Facebook, Fake Account, National Privacy Commission, NBI