Pagsasagawa ng Presidential debate, nais isulong ng Comelec

by Radyo La Verdad | August 10, 2015 (Monday) | 1416

COMELEC
1992 pa huling naglunsad ng Presidential debate ang Commission on Elections.

Bagamat nasa batas na maaring magsagawa ng Presidential debate ang Comelec, hindi na ito nasundan dahil sa kakulangan ng partisipasyon ng mga kumakandidato.

Plano sa ngayon ng Comelec na kapag naisapinal na ang pagsasagawa ng Presidential debate, magsasagawa ng kampanya ang poll body upang ipaunawa sa publiko ang kahalagahan ng nito sa pagpili ng ibobotong susunod na pangulo ng bansa.

Paliwanag ng Comelec kung susuportahan ng taumbayan ang pagsasagawa ng debate, mas maoobliga ngayon ang mga kandidato na lumahok dito.

Bumuo na ng Technical Working Group o TWG ang Comelec na nagsasagawa ng pag aaral kaugnay ng Presidential debate.

Nakapaloob dito ang pagtukoy sa format, venue, moderator at iba pa.

Maaring makapagsagawa ng debate ang Comelec sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Plano ring ipalabas sa lahat ng broadcast networks ang debate upang mas marami ang makasaksi.

Bago ang filing ng Certificate of Candidacy sa Oktubre target na makapagsumite ng resulta ng ginawang pag-aaral ang TWG.

Samantala, bukas naman inaasahang makakapagpasya na ang Comelec En Banc kung irerefurbish ang mga lumang PCOS Machines o magrerenta ng mga bagong makina para sa 2016 elections. (Victor Cosare / UNTV News)

Tags: