Pagkuha kay Duterte bilang special prosecutor, labag sa Saligang-Batas – Sereno spokesperson

by Radyo La Verdad | October 10, 2017 (Tuesday) | 3440

Labag umano sa Saligang-Batas ang panukala ni Atty. Larry Gadon na gawing special prosecutor si Pangulong Rodrigo Duterte sa impeachment case ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Paliwanag ng mga abogado ni Sereno, eksklusibo ang trabahong ito para sa mababang kapulungan ng Kongreso at hindi pwedeng pakialaman ng Pangulo.

Ayon kay Atty. Josa Deinla, spokesperson ni CJ Sereno, labag pa rin ito sa konstitusyon kahit pa gagawin ito ng Pangulo sa kanyang personal na kapasidad bilang isang abogado.

Maging ang Malakanyang, tutol na makisawsaw pa ang Pangulo sa impeachment case ni Sereno.

Ayon kay Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo, walang katuturan ang panukala ni Gadon.

Wala namang problema sa kampo ni Sereno kung ngayon pa lang ay naghahanda na ang senado.

Una nang sinabi ni Senate President Koko Pimentel na nirerepaso na nila ang panuntunan sa impeachment trial. Kung naghahanda man anila ang senado, hindi ibig sabihin nito ay tiyak nang aabot doon ang impeachment complaint laban sa punong mahistrado.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,