METRO MANILA – Idineklara na ng Department of Health (DOH) na mayroon nang naitalang local transmission ng Omicron subvariant BA.2.12.1 sa bansa.
Ibig sabihin nagkaroon na ng mutation sa Pilipinas ang orihinal na Omicron Subvariant.
Ayon kay DOH Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire, naitala ang local transmission ng sinasabing mas nakahahawang Omicron subvariant sa National Capital Region (NCR), Puerto Princesa sa Palawan at sa Western Visayas region.
Tatlong bagong kaso sa Western Visayas ay kinabibilangan ng isang Returning Filipino mula sa Estados Unidos na fully vaccinated.
Ang 2 ay pawang local cases, 1 ang bakunado habang inaalam pa ng DOH ang estado ng isa sa mga ito.
Sa kabuoan mayroon nang 17 kaso ng BA.2.12.1 ang na-detect sa bansa.
Dalawa sa mga ito ay mula sa NCR, 12 ang sa Puerto Princesa, habang 3 kaso ang nanggaling sa Western Visayas.
Ayon sa DOH naka-recover na na ang 14 sa mga ito.
Habang patuloy pang binabantayan ang lagay ng 3 pasyente sa Western Visayas.
Sa kabila nito, nilinaw ng DOH na hindi pa naman magdudulot ng malawakang hawaan ang local transmission dahil madali pa itong i-contain.
Kumpiyansa rin ang kagawaran ng kalusugan na makapagbibigay ng sapat na proteksyon ang mataas na COVID-19 vaccination rate sa bansa.
Nilinaw naman ng DOH na local transmission pa lamang ang kanilang namonitor at wala pang nakitang posibilidad ng community transmission.
Muli namang binigyang diin ng DOH ang kahalagahan ng pagpapabooster shot lalo’t na ngayon na may presensya sa bansa ang mas nakakahahawang COVID-19 Subvariant.
Ayon sa DOH, sa ngayon ay inatasan na nila ang mga lokal na pamahalaan na gawing ang lahat ng hakbang upang agad na mapigilan ang pagkalat ng sinasabing mas nakakahawang Omicron variant.
Nakapaloob dito ang 4 door strategy, kung saan pag-iibayuhin ang pagsasagawa ng screening, testing, monitoring at iba pang pamamaraan para mapigilan ang posibleng paglaganap ng virus.
(JP Nunez | UNTV News)
Tags: Omicron Subvariant