Omicron BA.5 subvariant, hindi magiging banta sa bansa kung dadami pa ang mga mababakunahan – Expert

by Radyo La Verdad | July 15, 2022 (Friday) | 1821

METRO MANILA – Batay sa ulat ng United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC) , ang Omicron BA.5 subvariant ng COVID-19 ang nangungunang dahilan ngayon ng hawaan sa Estados Unidos.

Sa Pilipinas, mayroon nang halos 300 kumpirmadong kaso ng BA.5 Subvariant.

Bagama’t itinuturing itong mas madaling makahawa, ayon sa isang eksperto maaaring mapigilan ang banta nito kung patuloy na magpapabakuna ang publiko lalo na ng booster dose.

Ayon kay Dr. Edsel Salvana, Infectious Disease Expert at member ng Technical Advisory ng Department of Health, iba na ang sitwasyon ngayon ng pandemya bunsod ng vaccination drive at mahigpit na pagpapatupad ng health measures.

Ayon pa kay Dr. Salvana, natapos na ang pinakamalalang yugto ng hawaan ng COVID-19 sa bansa at posibleng hindi na maulit ang matinding pagtaas ng COVID-19 cases sa Pilipinas.

Naniniwala ang eksperto na malapit na nating makamit ang endemicity o ang hudyat ng pagtatapos ng pandemya.

At mas mapapabibilis pa ito kung magtutuloy-tuloy ang mataas na vaccination rate sa bansa lalo na ang booster dose, dahil makatutulong ito upang mapigilan ang hawaan at mutation ng virus.

Sa huling pahayag ng WHO nanatili pa rin na isang Public Health Emergency of International Concern ang COVID-19 kaya naman nasa kategorya pa rin ito ng pandemic.

Muling pinaalalahan ng International Health Organization ang lahat ng mga bansa na ipagpatuloy ang COVID-19 vaccination drive at mapataas ang bilang ng mga taong nagpapabakuna ng booster dose.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: ,