Pagbebenta ng prescription drugs online, labag sa batas – DOH

by Erika Endraca | June 11, 2019 (Tuesday) | 3051
(c) wassupmate

MANILA, Philippines – Binalaan ng Department of Health (DOH) ang mga online shop na nagbebenta ng prescription drugs.

Ayon sa kagawaran bawal sa batas ang pagbebenta ng naturang mga gamot online.

Babala ni DOH Secretary Francisco Duque III, posibleng makasuhan ang mga online shops na mapapatunayang gumagawa nito.

“Hindi pwede iyang antibiotics sa Lazada, that is a violation to our Generics Law and Cheaper Medicines Act prescription is a must it is a requirement, you cannot have medicines, antibiotics delivered through Lazada as if it were an ordinary item we will file a case against Lazada if it is doing that.” Ani DOH Secretary Francisco Duque III.

Pangamba ng DOH kung madaling bumili ng antibiotics sa mga online shop, posibleng dumami ang kaso ng Anti- Microbial Resistance sa bansa.

Matatandaang iniulat ng who na taon- taon 700,000 ang namamatay sa buong mundo dahil sa Anti- Microbial Resistance (AMR).

Nangyayari ang AMR kapag hindi na tumatalab ang isang gamot upang puksain ang mikrobyo o parasite na nasa katawan ng isang indibidwal.

Bunga ito ng mali o sobra sa itinakda ang pag-inom ng antibiotics. Kaya’t ayon sa DOH ay dapat nasusunod ang prescrition ng doktor sa pag- inom ng antibiotics.

“Kasi kung walang prescription, iinom ng gamot. Bakit ka iinom ng gamot, kundi lalala iyong problema natin sa Anti- Microbial Resistance.” Ani DOH Secretary Francisco Duque III

Samantala, magsasagawa naman ng imbestigasyon ang DOH kaugnay ng pagbebenta ng prescription drugs ng mga online shops.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,