METRO MANILA – Base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), nasa P87 -P110 ang kada kilo ang presyo ng puting asukal sa mga pangunahing palengke sa Metro Manila.
Mataas parin ito para sa grupo ng mga magsasaka kumpara sa nasa P60-P65 na bili sa kanila ng raw sugar.
Kaya naman umaasa sila kung maibebenta sa merkado ang mga nakumpiskang smuggled na sugar ay posibleng makakapagpababa ito sa presyo ng asukal.
Nasa 80,000 bags ng puting asukal na mula sa Thailand ang nasabat sa Batangas port kamakailan.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), kailangan lamang itong mabigyan ng clearance ng Bureau of Customs (BOC) upang masuri kung ligtas ikonsumo ng publiko.
Ayon sa DA, posibleng ibenta ito sa kadiwa ng P70 kada kilo o mas mababa pa.
Bukod sa Kadiwa store ay posible ring ibenta ito sa mga palengke.
Samantala, pinaplano na ng Sugar Regulatory Administration ang pag-aangkat ng nasa 400,00 – 450,000 metriko tonelada ng asukal ngayong taon.
Ayon sa board member ng Sugar Regulatory Administration na si Pablo Azcona, kasama na dito ang para sa 2 buwang buffer stock o imbak na asukal ng bansa.
Nakita nila kung gaano ang magiging kakulangan sa supply ng asukal dahil nagsasagawa sila ng survey sa mga farmers at millers.
Ayon kay Azcona, malaki ang epekto sa halaga ng produksyon ng asukal ngayon ay ang pagtaas ng diesel at fertilizer. Idagdag pa aniya ang epekto ng climate change.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: Kadiwa Store, sugar